Thursday, May 9, 2013

HULING SULYAP

Maaga pa akong nagising. Naligo. Nagbihis. Kumain. Nagpaalam at umalis ng bahay. Dumaan ako ng flowershop. Bumili ng isang dosenang puting rosas. At naglakad papuntang sementeryo. Binisita ko siya. Inilatag ang rosas. Nagsindi ng kandila sa puntod niya. Nagpanalangin. “Malapit na po ako.” Sabay talikod, hudyat ng pamamaalam. Sumakay ako ng jeep. May nakasabay na magnobya. Naglalambingan. Isip ko. “Sweet naman nila.” Sabay ngiti. Di ko namalayan, magtatanghali na pala. Pumunta ako sa carinderia. Kumain ng mag-isa. Nang biglang may tumapik sa likod ko. “Pwedeng makasabay?” “Oo, naman.” Sabay ngiti. Medyo pamilyar sa akin ang mukha niya. Di ko nga lang maalala kung saan siya nakita. Nagtanong sakin ulit. “Pwede ba kitang masamahan sa lakad mo?” Nagtaka ako. Napangiti. “Sige ba.” Sakto, maaliwalas ang panahon. Sabay kaming naglakad sa tabing dagat. Tanging nakakabinging agos ng karagatan ang maririnig ko. Tahimik. Nakakarelax. Umupo kami sa dalampasigan. “Masaya ka ba sa buhay mo?” Tanong niya sa akin. Bigla akong nagtaka kung bakit naitanong niya yung bagay na iyon. Napaisip. At tumingin sa mga mata niya. “Napasaya ko sila. Yun lang ang mahalaga sa akin.” Pero yumuko ako. Sabay tingin sa malayo. “Bakit sila? Hindi ikaw?” “Ganun talaga eh.” Yinakap niya ako ng mahigpit. “Sana mahanap mo ang totoong kasiyahan.” Napangiti ako ulit sa kanya. “Tara, May isa pa akong pupuntahan.” Naglakad kami ng malayo. Subalit bigla akong nanghina. Nahihingal. Pero tinuloy kopadin ang paglakad. Hanggang sa mapadpad ako sa simbahan. Ngunit, bigla siyang nawala. Nagtaka ako. Hinayaan konalang siya. Sa halip, pumasok ako at naupo sa gilid. Nagdasal at nagpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap. “Ikaw napo ang bahala sa akin.” Tumingin ako sa altar. Nakita ko siya ulit. Napangiti. Tumayo kaagad ako. Ngunit para bang nanghihina katawan ko. Pumipintig ng mabilis ang aking puso. Habang papalapit, nandilim ang paningin ko. Pero tuloy padin ako sa paglalakad. Hanggang sa malapit na ako sa kanya. Huling sulyap ko, papalapit na ako sa kanya. Sabay hawak sa mga kamay niya. Hanggang sa nawalan ako ng malay. Tanda ko na lamang, may mga naririnig akong hagulhol sa tabi ko.